Muka akong gago
Napanood namin ng klase sa video sa Hayes Hall ‘yong dula namin. Sa wakas napanood ko rin ang aking sarili. Napanood ko kung paano ko ginago ang sarili ko sa pag-arte ng gano’n. Puta, ang galing naming lahat. Nakakalungkot lang talaga na hindi kami nakapasok sa huling tagisan. Pasensya na kung paulit-ulit lang ang mga pinagsasabi ko dito ah. Sige na titigil na ‘ko.
Oo nga pala. Alam niyo, naiinis ako talaga sa paraan ng pagbili ng pagkain sa cafeteria namin. Ang sasama talaga ng mga estudyante. Parating nag-uunahan sa pag-abot ng pera sa tindera. Walang linya-linya. Pakapalan talaga ng mukha. Ang suwerte mo kung mahaba ang mga braso mo. Kahit nasa likod ka ng kumpol ng mga tao, mapipilit mong abutin ang tinderang naloloka na sa gulo. Suwerte ka rin kung mataba ka at maskulado. Mapipilit mong pisain lahat ng mga taong nasa tabi at harap mo. At para naman sa mga katulad ko na hindi dumidiskarte dahil ayaw maging makasarili, mga gago ang tawag sa atin.Tiisin na lang natin ang baho ng mga kili-kili ng mga tabatsoy na pumipisa sa atin. Buwisit talaga. Mga walang disiplina. Ewan ko kung nakatatak na ‘yang mentalidad na yan sa kultura ng maraming Pilipino. Nakakalungkot.
Sa kabilang dako, noong org period, sa Hilites Magazine, nagkaroon ng meeting kaming mga editor. Pagkatapos ng meeting ng mga editor, kinausap pa kaming mga junior editors ng aming moderator ukol sa nalalapit na pagtatapos ng school-year (alam ko, matagal pa ‘yon, basta). Kasi magtatapos na ng high school ang mga boss naming editors kaya kami na dapat daw ang papalit sa kanila. Kaya ‘yon. Maghanda na daw kami kasi kahit sino daw sa pito sa amin ang maaring maging editor-in-chief o associate o managing editor. Ewan. Parang ayokong ma-promote. Pakiramdam ko kasi, isa ako sa napipisil na mapili o anuman. Takot pa ako sa mga responsibilidad na maaring dumapo sa kung sinuman ang mapili.
