Noong nakaraang Miyerkules
Ayaw ko na rin ng Miyerkules. Ewan ko, pero siguro masakit lang ang ulo ko nung araw na ‘to kaya sira ang buong araw ko. Ayaw na ayaw kong gumigising nang masakit ang ulo. Kasi hindi nito ako linulubayan sa buong araw.
Dumalo ako sa isang pulong para sa Cinema Arts Society kung saan ipinakilala namin sa mga miyembro ang nabuo naming production concepts. Kasama ‘yun sa application process.
Tapos nun, tumungo naman ako ng Faculty Center para sa Block Booster, isang quiz show para sa mga freshmen, na pinasimunuan ng Beta Epsilon, everybody’s favorite fraternity (kung hindi ba naman paulit-ulit namin ‘yan sinasabi). Dalawampu’t limang libong piso ang pabuya para sa mananalo. Wooh! Hindi ako nakasali sa round na ‘yon pero nanalo naman ang team namin. Pangalawang matagumpay na hakbang!
Dumalo din ako sa isang maliit na pulong ng Education and Research Committee ng University Student Council kung saan pinag-usapan namin ang mga gagawin ng konseho sa darating na araw ng SONA ni Pangulong Arroyo. Kinuwentuhan din ako nang bahagya ng pinuno ng kumite tungkol sa politika sa UP. Pinagsusuot kami ng asul imbes na pula sa Lunes, na nakagawiang pagawin ng dating naghaharing partidong mala-militante (daw) sa konseho. Ha! Sa’n ka pa? Exciting ang politika sa Unibersidad. Kung magdidikit nga daw ng posters sa Huwebes, ay dapat sa gabi para walang oras ang kalabang partido na wasakin ang mga ‘yon.
Gusto ko sanang sumama sa rally sa Lunes, pero hindi ako pinayagan, tulad ng inaasahan.
Pagkatapos ng mga ‘yan, bumalik ako ng Mass Com para sa isa na namang activity para sa application sa Mass Communicators’ Organization. Nakaka… tamad gawin ang sigsheet kung saan kailangan naming kunan ng pirma ang lahat ng miyembro ng org. Kailangan pang pagandahin ang sigsheets. Nakakawalang-gana nung nakita ko kung paano napaganda ng ibang aplikante yung sigsheets nila, may iba’t ibang dekorasyon at anupaman. Kasi naman, hindi ako mahilig sa ganyang mga ka-ekekan. May iba’t iba pang games. Napilitan akong mag-ocho-ocho. Ano pa? Meron pang talent show sa susunod na Miyerkules na kailangan naming paghandaan. Andaming gagawin!

No comments yet.