Feeling artista!
Ang saya nung shooting ng thesis ni Kuya David kahapon! Nakakapagod, lalo na sa iba, pero masaya! Unang beses ko makibahagi sa isang production, at bilang artista pa (feeling!!).
Call time ay alas-singko ng umaga sa UPIS. Ang aga, pero oks lang kasi pang-umagang tao naman talaga ako. Bago mag-almusal binihisan muna kami at minake-upan at nag-line throwing nang kaunti. Anyway, mga ilang oras din kami sa UPIS hanggang sa lumipat kami patungo ng Math Building sa UP para sa susunod na mga eksena.
Hanga ako, ‘di ko inakalang kailangan talagang ayusin ang mga setting hanggang sa kahuli-huliang detalye. Pati ‘yung mga bihis namin. ‘Yung kailangan talaga may singsing ako, dapat talaga asul ang sombrerong suot ko, etc. Kasi daw bawat detalye ay may kahulugan. Galing ng mga prod designers! Tapos, ang dami palang taong kailangan sa isang production. May mga runners, taga-kuha ng mga detalye sa eksena, may tagakuha ng continuity, may clapper, etc. Nasanay marahil ako sa mga pipitsuging short films namin nung high school kaya namangha pa ako doon sa iba’t ibang equipment sa set. May mga riles pa kung saan may de-tulak na kariton na sinasakyan ng camera at ng conematographer. Tapos may mga ilaw-ilaw pa. Ang galing!
Ano pa? Ayun, sari-saring eksena ang kinunan sa Math Building, sa silid-aralan pati na sa rooftop.
Haha, tatlong eksena nga sa pelikula ‘yung nagpapakita sa ‘king naninigarilyo. So, ayun, tapos ‘yung bawat isang eksenang ‘yon ay kinunan nang higit-kumulang tatlo hanggang limang beses para sa iba-ibang posisyon ng camera (at dahil na rin sa sari-saring mga kamalian). Ibig sabihin, nakailang sticks din ako ‘no? Hindi ko nga mailarawan ang sarili kong naninigarilyo eh, hinding-hindi ko imahe ‘yon sa personal. Magugulat talaga ang mga nakakakilala sa ‘kin nung high school at nung grade school.
Umiinog sa pag-ibig and pelikula kaya s’yempre may kapares ako, si Mara. Ilang beses din ako nabulol. Nakakahiya talaga nung isang beses, sa isang madamdaming eksena kung saan sinabihan ko s’ya nang ‘mahal kita‘ — ang totoong pangalan n’ya ang nabanggit ko at hindi ‘yung pangalan ng tauhan n’ya! Kaya todo panunukso inabot ko! Nakaka-ilang na tuloy! Isa pa, nung ang sasabihin ko dapat ay ‘can I walk you home?‘, nabulol ako at ang nasabi ko ay ‘p’wede ba kitang iuwi?‘. Haha, ang sagwa!! Baka hindi ko na makayanan ‘yung kissing scene namin next week.
Mga alas-otso na ng gabi nag-pack-up. May isa pang araw ng shooting sa susunod na Linggo. Till then!
“Can I walk you home?”
Sana sinabi mo na lang na, “Your place or mine?” Hehehe!