Second field trip of the weekend! Dolores trail ng Bundok Banahaw sa Dolores, Quezon! Kahit pagod ako sa una kong field trip ng nagdaang araw, tumuloy pa rin ako (sayang rin ang binayad).
Nakapunta sana kami noong high school sa Banahaw. Ngunit dahil sa ilang mga magulang ng ilang mayayamang Atenista na natatakot para sa kanilang mga anak (na baka raw makidnap ng NPA, masugatan, madungisan, etc.) napilit nila ang pamunuan ng paaralan na ikansela ang field trip. Mga bwiset.
Higit dalawang oras ang biyahe papunta ng Dolores, Quezon. Nakarating kami doon, mga lampas ika-9 na ng umaga. Pagdating doon, mula sa mga komportableng bus na sinasakyan namin, lumipat kami sa mga dyip papalapit sa paanan ng bundok. Pagkarating sa isang baranggay sa paanan, ay nagsimula na kaming maglakad at umakyat.
Hindi namin inaasahan na magiging ganoon kahirap ang pag-akyat. Kung iisipin, hindi naman kami umakyat sa tuktok eh, halos paanan lang ng bundok ang inakyatan namin. Pero mahirap! ‘Kala namin may mga hagdan man lang? WALA. Puro malalaki, matatarik at madudulas na batong balot ng lumot ang kinailangan naming hakbangan at akyatin. Pero masaya. Pagdating namin sa husgado pagod na ang marami sa ‘min. Pero walang wala ang hirap ng inakyat namin sa hirap ng paglusot sa husgado. And husgado ay isang napakaliit na kuweba na linulusutan ng mga tao. Sinasabing kung ikaw ay makasalanan, mahihirapan ka at masusugatan ka sa paglusot sa husgado. So ayun, ako ang naunang pumasok.
Aba pagdating sa bukana, mukang kuweba ba iyon? HINDI! Bitak lang sa lupa and bukana. At ang husgado mismo ay serye ng mga makikitid na lusutan sa gitna ng malalaking mga bato sa ilalim ng lupa. Ikamamatay ito ng mga claustrophobic at mga takot sa dilim. Kalbaryo ang paglusot sa husgado, hindi ako nagbibiro! Maraming beses, hindi ko talaga maigalaw ang katawan ko sa SOBRANG SIKIP. Antitigas pa ng mga bato, at ayaw kong masugatan kaya napaka-napakahirap ang lumusot. Naiiyak na ‘ko at nagdarasal na talaga ‘ko ng pagpapatawad Diyos sa lahat ng kasalanan ko. Kala ko talaga hindi na ‘ko makakalabas, na mamamatay ako sa loob ng husgado! At ang dilim-dilim pa talaga kahit may mga kandilang ilinatag ang mga guide. Basta, ang hirap ilarawan ang hirap ng paglusot. Kalaunan ay nakalusot naman ang lahat ng mag-aaral sa husgado. Ang ilan may mga sugat, ang ilan wala. Tulad ko. Haha. Pawis na pawis at napakadungis namin paglabas. Doon na kami sa bukana palabas kumain ng tanghalian.

Matapos ang tanghalian, patuloy kaming nag-trek. Ngayon na man, papunta sa Sta. Lucia falls. Pag papalapit na at pababa ka na sa talon, halos 300 na napakatarik na hagdan na ang bababaan mo.
Napakasarap maligo sa batis/ilog!! Matapos kang pawisan nang husto sa pagtrek, napakaginhawa ng pakiramdam na magbabad sa napakalamig na tubig. Para kang naliligo sa menthol! It’s the most refreshing thing to do after trekking.
Pero teka, anumang ginhawa ng pagbababad sa napakalamig at preskong tubig ay mawawala rin dahil kakailanganin mong akyatin at halos 300 hakbang ng napakatarik na hagdan binabaan mo kanina. ‘Tang ina! Eh, takot pa naman ako sa matataas na lugar (acrophobic) kaya halos igapang ko na ang sarili ko sa pag-akyat dahil sa takot, hindi lang dahil sa pagod. Bagsak ka’gad ako pagkarating sa tuktok. Pawis na pawis ulit.
Ayun, matapos ‘yon, nagsimula na kaming magtrek papabalik sa baranggay na pinagbabaan namin mula sa mga dyip.
Hay. Nakakapagod. Ayaw ko na sanang pumasok nung susunod na araw (kahapon), pero pumasok pa rin ako.