Walang ganang mag-aral
Pinuri rin ako ng voice instructor sa kauna-unahang pagkakataon kahapon. Keep on improving daw. Wooh!
Panandaliang tuwa lang naman ‘yan. Matapos ang voice lessons ko ay ang biology exams namin sa NATSCI 2 na halos siguradong ibinagsak ko. Basta. Haay, ewan. Wala lang talaga ako sigurong gana. Hindi sapat na motibasyon ang crush ko sa klase para pumasok dun.
Nung break, matapos kumain ay nag-library ako at nag-aral para sa KAS 1. Nakakapanlumo ang dami ng required readings, at sigurado akong hindi naman kailangan lahat. Pero hindi ko alam kung alin ang kailangan at alin ang reference lang eklat. Nakakawalang gana na naman.
Matapos ang huli kong klase ay kinailangan ko pang dumalo sa isang isa’t kalahating oras na lecture ng isang propesor tungkol sa panitikan ng mga Manobo sa Sultan Kudarat. Gusto ko ang ginagawa n’ya. Balang araw ako rin ay maglalakbay at pag-aaralan ko rin ang kultura ng iba’t ibang pangkat katutubo sa Pilipinas.

No comments yet.