CASTpers in Bacacay! (Part 2 of 2)
LINGGO
Matapos ang almusal noong Linggo, pumunta ang mga CASTpers sa beach ng Sogod, Bacacay, Albay, walang isang kilometro lang ang layo mula sa lugar ni Cong. Lagman na tinutuluyan namin.
Itim ang buhangin sa beach (dahil malapit sa bulkan?). At sino umaangal sa itim na buhangin? Hindi kami. Higit isang oras ata kaming nagbabad sa mga alon ng tubig at sa mainit na sikat ng araw hanggang tanghalian. Sinakyan namin ‘yung mga alon sa mga itim na salbabida, naghukay at gumawa ng mga kung anu-anong ‘istruktura’ sa buhangin, nagbaon ng mga tao etc. Doon na rin kami sa beach kumain ng isa na namang katakam-takam at nakabubusog na tanghalian mula sa mga kusinera ng Congressman.
Nakalimutan ko atang maglagay ng sunblock sa likod ko noong Linggo. Kasalukuyang nangangati nang todo ang balat sa likod ko. Ang itim-itim ko na naman.
Matapos ang tanghalian, nagpasya ang ilan sa amin na maglakad pabalik sa aming tinutuluyang guesthouse para magpahinga. Ang ilan, kasama ako, ay nanatili muna sa beach ng halos kalahating-oras bago sumunod pabalik ng guesthouse.
Noong hapong iyon, dinayo namin ang bayan ng Tiwi, Albay para lang matikman ang ipinagpipitagan nitong halo-halo. Anila, ang halo-halo ng Tiwi ang pinakamasarap sa buong mundo. Ganon, masarap nga ba? Oo!! Matamis, magatas at kakaiba kasi may keso pa.
Noong gabi, matapos ang isa na namang nakakatabang hapunan, nagtungo ang CASTpers sa tabing-dagat at nagsindi ng bonfire. Nagkuwentuhan, nag-inuman, kumain. Naisalang nga ako sa “hot seat“. Pero… hindi ako gaanong nainitan. Marami pa ‘kong ginustong ibahagi tungkol sa ‘kin pero hindi lumabas ang pagkakataon. Marami pa namang darating. At saka siguro natural na boring ang buhay ko. Nasiyahan ako pagkatapos ng bonfire. Lagpas ala-una na ng hatinggabi nang matapos ang bonfire bonding ng CASTpers. Nasiyahan akong malaman na… basta. Nasiyahan din ako kasi mas nakilala ko pa nang husto ang mga ka-org ko kahit na lahat sila, maliban nga kay AD, ay mga graduating seniors na. Dumami ang mga tanong ko tungkol sa kanila dahil sa mga isyung ‘di ko alam pero hinayaan ko na lang sa gan’on. Masaya na ‘kong maramdaman na mas lumawak ang pagkakakilanlan ko sa kanila.
LUNES
Tanghali na nang magising ang lahat. Bago magtanghalian, nagtungo ang CASTpers sa tiangge sa may Tabaco City para mamili ng mga pasalubong. Ako, bumili ako ng iba-ibang mga kagamitang yari sa abaka. At aaminin ko na rin na hindi talaga ako marunong tumawad.
Matapos ang ISA NA NAMANG nakakababoy na tanghalian, nagpahinga na lang ang iba at nag-impake. Bago tuluyang umalis ng Bacacay, bumisita ang ilan, kasama ako, sa beach malapit sa guesthouse. Napakabanayad ng tubig noong hapong ‘yon kumpara sa napaka-alon na dagat na dinatnan namin noong Sabado. Ang sarap ng katahimikan. Ang sarap lumangoy sa dagat, para kang nasa malaking swimming pool, kasi wala talagang kaalon-alon. Ay saka, ‘yon, nangahas akong dalhin ang digicam ko sa dagat at kumuha ng mga litrato mula sa tubig. Kahit na hindi waterproof ang camera ko. Magaganda naman ang mga nakuha ko at saka hindi naman nasira ‘yung camera kaya okay.
Bago mag-alas-singko ng hapon ay hinatid na kami sa terminal ng bus sa may Tabaco. Ordinary bus na lang ang sinakyan ko kasi malaki-laki rin ang matitipid. Biruin mo, kung aircon bus, 800 pesos. Eh ang ordinary bus, 300 pesos lang. Eh ‘di, naka-kickback na rin ako ng limang-daan (kasi 800 talaga ang budget ko para sa pamasahe pauwi).
Kinaya ko ba ang higit sa SAMPUNG ORAS na biyahe sa isang napakasikip, (madumi), at mainit na bus? Oo naman. Nakatulog ba ako? Oo naman… mga pakala-kalahating oras na idlip lang. Masaya ba ang biyahe? Oo naman, kasama ko naman ang ibang CASTpers eh. Kung ‘di lang sa kanila, sa Tabaco pa lang eh lumipat na ‘ko ng bus.
Hay. ‘Yun lang. Kapagod magsulat ng tala ng mga nangyari.

Ang ganda ng layout mo ng photos. What program did you use to do that? Kung trade secret, ok lang kung ‘di mo isiwalat.
ei ^_^ tnx sa pics ^_^ ang ganda nila ^_^
ei, nice hearing este reading pala about the stuff that happened in bicol. hehe…nakakapanghinayang tuloy at di ako nakasama…patingin na lang kami nila con ng mga pics sa pasukan…
anyway, nakuha mo na ba ang result ng pre-enlistment? nakuha mo na rin ba ang mga class cards mo?
miss u
miss y’all
nice pics there! you could be a great photographer!
Sabi ko na magaganda ang kuha eh.
Tiwi is the hometown of my mother. I had been to places that you have mentioned in your travel log when I was very young.
Thanks for the memories.
hey .. u don’t know me… i just came across your website for some reason and browsed around a bit. una, humanga ako na tagalog ang blogs mo. i checked out ur high school blogs and was surprised na ingles ka naman ng ingles dun. went back to the more recent ones (tagalog) and guessed that , maybe, u ended up in UP. correct ?
take care. nice blogs.
i admire the superb treatment of the photos. anong camera pala ang gamit mo?