Gitna ng ilat at ilog
Lumuwas kami ng Amadeo kahapon para tingnan ang lupang tanimang ipinambayad-utang sa mga magulang ko. Hindi ako dapat sasama pero naisip kong pagkakataon din iyon para makasanayan kong gamitin ang SLR camera ko, at para maubos na rin ang kauna-unahan nitong rolyo ng film.
Para makarating sa taniman, kinailangan naming tahakin ang ‘gubat’ sa labas ng bayan. Hindi ko inakalang ganun kasukal ang gubat sa kabilang dako ng makipot na ilog mula sa bayan. Para kaming umakyat ng Bundok Banahaw. Akyat-panaog kami sa matarik na dalusdos sa gilid ng ilog. Walang access road kaya ganun. Masukal na gubat talaga, ang hirap marating. Pagdating namin doon sa sinasabing taniman, aba eh, iba ang nakita ko mula sa inaasahan. Taniman nga siya — taniman ng mga sari-sari at halu-halong ligaw na puno ng saging, kape, papaya, bayabas, at pinya sa gitna ng gubat. Sino kaya ang magtiyatiyagang sakahan ang lupang ‘to? Ang layo sa kalsada, at para maikalakal ang anumang aning maaaring pitasin mula sa mga puno, eh kailangan mong umakyat-panaog sa matarik na dalusdos at masukal na ‘kagubatan’.
Anupaman, kahit nakakapagod, eh kuntento naman ako dahil marami akong nakunang litrato sa aking SLR. Pero nang alam kong ubos na ang rolyo ng film, eh napansin kong napipihit ko pa rin ang film advance lever. Hindi maaari! Hindi pala nakakabit nang wasto ang film!! Wala akong nakunang litrato!
Yamut na yamot ako n’on. Pero ayos lang ngayon. Bahala na. Sa muling pagbabalik na lang.

No comments yet.