Bayan ng trahedya
Madalas, natatanong ko ang sarili ko kung paano nakapapatay ng daan-daan ang isang mahinang tropical depression sa Pilipinas. Kahit nga walang bagyo, maulan lang ng ilang oras nang walang humpay, gumuguho na ang mga dalusdos ng mga bundok, bumabaha na, namamatay na ang mga tao. Ayon sa mga balita, mahigit 300 na ang bilang na mga namatay nang dahil sa pananalanta ng tropical depression Winnie. Isang linggo mahigit pa lang ang nakararaan, higit kumulang 170 ang namatay o patuloy na nawawala nang dahil sa pananalanta ng mga bagyong Violeta at Unding, na parehong hindi rin naman kalakasan. Ilang linggo lang rin ang nakakaraan nang 12 ang namatay sa isang aksidente sa tren sa Quezon. Andaming namamatay nang hindi naman dapat!
Madalas naiisip ko. Bakit hindi kaya imbes na babalaan tayo ng PAGASA ayon sa signal storm number na base sa lakas ng hangin, eh bantaan na lang kaya tayo ayon sa dami ng ulang ibubuhos ng bagyo. Kasi mas malaking perwisyo ang nagagawa ng lakas ng buhos ng ulan kaysa sa lakas ng hangin. Minsan nga (mababaw ‘tong halimbawa), storm signal warning #1 lang ang bagyo pero may pasok pa rin kami — malakas naman ang buhos ng ulan, sobrang perwisyo. Minsan naman storm signal warning #2, walang pasok, pero puro hangin lang. Minsan nga walang bagyo, ulan lang nang ulan, pero maraming nasasalanta. At may pasok pa.
Parati na lang itinuturong may sala ang pagkakalbo ng mga bundok nang dahil sa ilegal na pagtotroso. Sa bagay, ang mga probinsyang sinalanta ng malalang mga landslides at flash floods — Nueva Ecija, Quezon, Bulacan, maging ang lungsod ng Marikina — ay yaong mga nasa paanan ng Sierra Madre. Pero tulad ng sinabi ng isang alkalde sa Quezon, ikinabubuhay ng maraming tao ang pagtotroso. Hay, sa hirap nga ng buhay, sa kawalan ng oportunidad, marami talaga ang nasasalanta.
Aba, at meron pang isang paparating na bagyo, na inaasahang tatama ulit sa Gitnang Luzon. Tsk. Kaya hinding-hindi ko magawang matuwa sa ginhawa at lamig ng hanging dulot ng anumang bagyo. Kahit na nawawalan ng pasok tuwing may bagyo, kahit na ayaw na ayaw ko sa init ng maaliwalas na panahon, mas gusto ko pa ‘yon kaysa sa maraming napeperwisyo at namamatay nang dahil sa ulan.

No comments yet.