Mahaba-habang kuwento
Ngayon lang ako makakapag-post ng entry tungkol sa nakaraang tatlong araw.
UP Lantern Parade (Dis. 16, 2004)
Maaga-aga akong nagtungo ng UP para sa Lantern Parade. 12:30 pa lang ng tanghali nandoon na ‘ko. Tumambay muna ako sa MCO tambayan pero walang tao, nasa Oblation Run ata lahat.
May general rehearsal kasi dapat nang ala-1 ng hapon bago mag-Lantern Parade. Kaya maaga pa eh nandoon na ‘ko. Eh, hindi gaanong ganado mag-practice ang maraming kasali kaya pasado alas-dos na nang nakapag-umpisa kami. Ayos naman ang naging huling practice. Pagdating ng mga bandang alas-4 ng hapon, nagsimula nang pumwesto ang iba’t ibang kalahok na kolehiyo at grupo ng UP sa parada. Nandoon kami napapagitnaan sa likod ng parada ng CBA at harap ng grupo mula CAL.

Magdadalawang oras din kaming naglakad nang mabagal palibot ng acad oval. Habang naglalakad, minsan nagchachant kami ng mga chant na masscomm masscomm, ang saya saya! o di kaya, TV ito, hindi microwave! kasi mukang microwave ang mga TV-parol na hawak-hawak namin. Haha ang kulit. Tapos bigla na lang kaming magsisigawan ‘pag maraming tao, tulad nung dumaan kami ng AS at Eng’g. Madaming supporters ang MassComm ah. Bentang benta sa mga batang manonood si Krystala. May mga nagpapa-picture pa.
Magaalas-7 na nang makarating kami ng Quezon Hall para magtanghal. Medyo kinabahan ako kahit na tagahawak lang ako ng parol na isasayaw na isayaw lang namin. Pero nakakatuwa kasi andaming nagchi-cheer para sa CMC. Sikat!
Hindi man marangya ang mga parol namin, ni wala nga kaming matatawag na ‘float’, pero masaya pa rin. At dahil masasaya ang mga tao sa CMC, at masaya ang presentation namin, nanalo pa rin kami ng most creative award (base sa lantern o sa pagtatanghal mismo, hindi ko alam). Haha, biruin mo nga naman.
Ayan, taon-taon ko nang pananabikan ang Lantern Parade.
UP MCO Christmas Party (Dis. 16, 2004)
Matapos magtanghal ng MassComm sa Quezon Hall, dumeretso kaming pabalik ng CMC. May konting pagkain para sa mga lumahok sa Lantern Parade. Pero hindi na ‘ko kumain kasi pagod ako (wala akong gutom tuwing pagod). Hinintay lang namin ang iba naming kasamahan sa UP MCO bago kami umalis at pumunta sa bahay ng isa naming orgmate sa Fairview.
Kainan, games, laru-laro, kuwentuhan, exchange gifts, the usual Christmas party works. Alas-12 na nang umuwi ako, at hindi pa tapos ang party nun. Commute lang kasi ako pauwi at hindi ko pa nararanasang mag-jeep nang madaling-araw. Buti na lang at kasama ko sina Chesa, Ely at Kuya Dennis.
Death of Toff’s sister (Dis. 17, 2004)
Balak ko sanang panoorin ang Ebolusyon ng Isang Pamilyang Pilipino ni Lav Diaz sa may Film Center. Sampung oras na tuluy-tuloy ang pelikula at kapanapanabik kasi nga ang haba nito.
Pero nung paggising ko mga bandang alas-6 ng umaga ay nabalitaan ko sa telebisyon ang pagkasunog ng bahay nina Toff sa Makati. Hindi ako makapaniwala, madalas-dalas kasi kami doon sa bahay nila noong high school at ilang beses din kaming nakitulog doon. Hindi ko lubos maisip na nasunog ang mansyon nila. Pero ang higit at labis na nakakalungkot sa insidenteng nangyari ay namatay sa sunog ang nakababatang kapatid ni Toff.
Dali-daling nag-online ang ilan sa aming magkakaklase sa high school para pag-usapan ang pagpunta namin sa burol. Napag-usapan ng ilan sa amin na pupunta kami noong hapon ding iyon. Mga tanghali nang pumunta ako sa bahay ni Raf malapit sa Ateneo at kasama niya at nina Rene, Rychus, Pendix at Josh, magkakasama kaming pumunta sa Forbes Park para sa burol.
Lumagi kami doon nang mga isang oras pero hindi na rin namin nakita si Toff para personal na maipaabot ang pakikidalamhati namin. Pero tulad ng sinabi ni Jake, at sana mabasa mo ito kasi hindi ko ‘to nasabi nung Biyernes, nandito kaming mga kaibigan at kaklase mo at makakaasa ka sa amin. Muli, ang aming pakikiramay. *Yakap*
UP CAST Christmas Party (Dis. 17, 2004)
Hindii man magaang ang pakiramdam kong mag-Christmas party pagkatapos na pagkatapos kong pumunta sa isang burol, gusto ko pa ring makisalo sa UP CAST kaya pumunta pa rin ako.
Sa bahay ni Ate Eya sa mga burol ng Antipolo ginanap ang aming Christmas party. Si Ate Alina lang ang kasabay kong pumunta doon, at commute lang kami. Alas-6 na ng gabi na noon kaya rush hour at matindi ang trapik! Wala kaming masakyang jeep papuntang Antipolo. Puno lahat ng jeep, tatlo-tatlo pa ang sabit. Lampas kalahating oras na kaming naglalakad-lakad at naghihintay ng masasakyan sa Aurora Blvd. Sumuko kami at nagpasyang sumakay na lang ng kahit anong jeep papunta sa may Imelda Avenue para doon na lang makipagsapalaran para sa sakay. Sinakyan ka’gad ni Ate Alina ang unang jeep na nakita namin pagkatapos magpasya. Eh, punung puno, hindi ako nakasakay kaagad. Nakasakay na si Ate Alina, ako hindi pa, nang biglang humarurot na papaalis ang jeep. Tumakbo pa ‘ko ng halos mag-iisang daang metro habang sumisigaw hanggang sa maabutan ko rin ang jeep at nakisiksik sa loob. Doon ako sa gitna, nakaupo sa sahig ng jeep. Ang saklap ng biyahe ‘no. Kalaunan naman ay nakalipat rin kami at nakasakay sa isang komportableng FX.
Andami ring nangyari. Madaming kuwentuhan, parang nung Bicol, may mga games at awards pa (ako ang businessman of the year, haha). Nakainom din ng konti pero hindi naglasing. Alas-6 na ng umaga nang makauwi ako, sumabay lang ako kina Ate May.
Isa pang burol (Dis. 18, 2004)
Wala pang isang oras ang tulog ko nang gisingin ako para magbihis. Umalis kami ng bahay ng mga bandang alas-8 ng umaga para umuwi ng Amadeo para sa burol ni Lola Ellen, kapatid ng Lolo Roming. Halos buong araw din kaming lumagi doon sa Amadeo. At dahil ako ay hindi pa nakakatulog nang wasto, paidlip-idlip ako makaupo lang sa kung saan.
Isa pang Christmas Party matapos ang burol (Dis. 18, 2004)
Pagkatapos ng burol, umuwi kaming pabalik ng Quezon City at nagmisa bago pumunta sa taon-taong ginaganap na Christmas Party nina Lola Luchie at Lolo Ted. Tulad ng nagaganap na taun-taon, nagkaroon muli ng pila ng pera. Sa totoo lang, kahit na medyo ayos rin na nabibiyayaan din ako ng pera, eh hindi ko talaga gusto ang siste na pumipila ang mga tao kina Lola Luchie para makatanggap ng pera. Mukang masaya, pero naiinis talaga ako kasi andaming sumisingit, pati mga bata, natututong mandaya makauna lang sa pila ng pera. Magulang pa nila ang nag-uudyok sa kanilang mga anak na sumingit. Tsk, mga ganid sa pera.

you’re nice! I’m a UP student in Tacloban, first year taking up BSM. Sayang hindi ako nakadalo sa aming lantern parade at x mas party.
ang ganda naman ng holiday experience mo buti ka nga at least hindi ka lang andyan sa bahay mo. Anyway UP student din ako and i can say that your essay is nice!
[…] It was supposed to be some sort of a austerity measure by the university administration. There was no lantern and preformance competition. (Although some colleges still prepared their floats/lanterns and some performances). The mood was much more festive last year. Not everything was a disappointment though. The lanterns from the College of Fine Arts are, as always, impressive. The fireworks display after the parade was also grand. I spent my time with my MCO and CAST friends, and they are, as always, a jolly group to be with. […]
obviously not doing my work, but i just realized that I WAS IN THAT LANTERN PARADE. yeah, i wasnt in college yet, but my sister took me along and she was carrying a TV in that parade. aliw. i didnt know con was one of the fairies.