Christmas 2004
Huli man, nais ko pa rin kayong batiin ng Maligayang Pasko! Sana Pasko araw-araw, liban lang sa gastos at siba sa kainan.

Tulad ng nakagawian, pumaroon kami sa Amadeo ngayong araw ng Pasko. Hindi ko dapat ‘to iniisip pero napaisip ako ngayong kamamatay lang ng isa naming lola, kapatid ni Lolo Roming. Paano kung mawala na si Lolo (’wag naman muna sana). Uuwi pa ba kami ng Amadeo sa bahay ni Lolo buwan-buwan o tuwing Pasko? Paano kaya kung tumanda na kaming magpipinsan, luluwas pa ba kami ng Amadeo para mag-Pasko sa bahay ng aming mga lolo at lola? Kasi, ramdam ko na dumarating na ang mga taong mag-iiba ang paggunita namin sa araw ng Pasko sakaling magkaganoon. Kalungkot naman, kasi masya naman talaga na nakikita mo ang ‘angkan’ na nagtitipun-tipon, maraming bata, magulo, masaya. Eh, bueno, ayoko na munang isipin. Sana matagal pa bago mangyari ‘yon, kung mangyari man na sana hindi.
Kagabi nagmisa kami para sa bisperas ng Pasko. Aminin ko na, ayoko talaga ng mga pagkahaba-habang misa. Pasensya, pero ganun talaga. Madalas hindi ko na maintindihan ang kahalagahan ng pagsasagawa ng sari-saring ritwal na likha ng tao para gunitain ang mga pagdiriwang sa ating pananampalataya.
Anupaman, ngayong araw nga eh nagtungo kami at namalagi sa Amadeo buong maghapon. Bumisita rin kami ng Indang para sa ilan pang kamag-anak. Tapos nung bandang hapunan na, eh bumisita naman kami sa isang kaibigan ni Mama sa may Paranaque. Hay, wala nang ginawa kundi kumain at tumanggap. Haha. Buti nga lang at iisa pa lang ang inaanak ko ngayon. Wala masyadong gastos. At marami pang namimigay sa ‘yo kasi ‘bata’ ka pa rin. Sarap ng Pasko ‘pag bata ka. Sana matagal pa kong ganito.
No comments yet.