Wag the Dog: Mula MOA hanggang Cha-Cha
War is show business, that’s why we’re here.
- Conrad Brean (Wag the Dog, 1997)
Lantad na lantad ang makasariling interes ng rehimen ni Gloria Arroyo at ng U.S. sa pagpasok sa Memorandum of Agreement on Ancestral Domain (MOA-AD) ng Government of the Republic of the Philippines (GRP) at Moro Islamic Liberation Front (MILF). Mula sa mga abo ng pagkabigo ng kaniyang pakanang People’s Initiative for Charter Change noong 2006, muling gumawa ng oportunidad ang kaniyang rehimen upang pasayawin ang mamamayan sa kaniyang Cha-Cha sa pamamagitan ng pagkasangkapan sa mahigit apat na dekadang armadong tunggalian sa Mindanao para sa kanilang karapatan sa sariling pagpapasya o right to self-determination.
Ang matagal nang pakikibaka ng mamamayang Moro para sa kanilang mga pampulitika at pang-ekonomiyang kahilingan ay malayong maisakatuparan sa ilalim ng pamumuno ni GMA. Imbes na sinserong harapin ang ugat ng kahirapan at pag-aaklas ng mga kababayang Moro na primaryang nagmumula sa pagsasamantala ng malalaking panginoong may-lupa at korporasyong multinasyunal sa kanilang mga ancestral lands, ginamit pa itong pagkakataon para itambol at isulong ang naantalang anti-mamamayang Cha-Cha na sa huli ay lalo lamang magtitiyak ng interes ng iilan sa ‘Bangsamoro homeland’. Tunay na walang sinseridad ang rehimeng ito sa pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao at nagawa pang isangkalan ang buhay at kapakanan ng mga sundalo’t sibilyan para isulong ang mga nasabing interes at upang magbunsod pa ng giyera na nakikitang pagkakataon upang gawing lehitimo ang mga base militar sa Mindanao at ang paggamit ng emergency powers dahil sa giyerang ang rehimen niya mismo ang may pakana.
Kronolohiya ng maniobra ni Gloria
Hulyo 25 - nag-walkout ang kinatawan ng MILF sa peace talks matapos tangkaing repasuhin ng GRP ang dalawang settled issues na nilalaman ng MOA-AD
Hulyo 28 - muling pagbubukas ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng MILF at GRP matapos magpirmahan ang mga kinatawan ng dalawang panel sa Malaysia ng isang joint communiqué hinggil sa isyu ng ancestral domain.
Itinakda ang pirmahan ng MOA-AD ng Agosto 5, na naglalayong itransporma ang Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) tungo sa Bangsamoro Judicial Entity (BJE). Kasama nito ang pagpapalawak sa 700 pang barangay ang teritoryong sinasaklaw ng ARMM na kasalukuyang sumasakop sa 2,470 barangay sa Marawi City, at 111 munisipalidad sa anim na probinsya – Basilan, Lanao del Sur, Maguindanao, Sulu, Tawi-Tawi.
Hulyo 30 - Umalma ang mga opisyal at pulitiko, sa pangunguna ni North Cotabato Rep. Bernardo Pinol Jr., na ayaw na maging bahagi ang kanilang mga probinsya ng BJE. Nagsampa sila ng petisyon sa Korte Suprema para kuwestiyunin ang ligalidad ng MOA-AD.
Hulyo 31 - Umalma na rin ang mga tribal leaders at ilang mga Kristiyano sa Mindanao dahil hindi sila nakonsulta hinggil sa pagsasama ng kanilang mga lupain sa MOA-AD.
Agosto 4 – Naglabas ng Temporary Restraining Order (TRO) ang Korte Suprema upang pigilan ang nakatakdang pagpirma ng MILF at GRP sa MOA. Matapos nito, idineklara ni Press Secretary Jesus Dureza na kinakailangan ng ‘surgical remedies’ sa Konstitusyon upang mapatupad ang mga nakasaad sa MOA.
Agosto 5 – Napigilan ang nakatakdang pirmahan sa Kuala Lumpur at sumiklab ang labanan sa North Cotabato. Agosto 11 – Inihayag ni Arroyo ang kaniyang ‘suporta para sa federalism’ bilang resolusyon para sa kapayapaan sa Mindanao.
Agosto 13 – Malakanyang: All systems go for charter change. Agosto 14-15 – Naglabas ng mga pahayag ang CBCP, ang oposisyon, mga progresibong party-list, mga grupong pulitikal at maging ilang mga alyado ni Arroyo sa Senado at Kongreso laban sa cha-cha bilang instrumento para sa pagpapapalawig ng termino ni Arroyo.
Motibo ni Gloria sa Cha-Cha
Simula pa lamang ay alam na ng GRP na labag sa Konstitusyon ang mga panukala sa MOA-AD at tiyak na kukuwestiyunin ito ng Korte Suprema. Sa ganitong paraan nakakitaan ng Malakanyang ng pagkakataon na maniobrahin ang isyu ng MOA para muling buhayin ang pakanang charter change. Gayundin, inaaasahan nito ang malakas na pagtutol ng mga kongresista, tribal leaders, at ilang mga grupong Kristyano sa Mindanao na siyang magbubunsod ng muling pagsiklab ng labanan sa pagitan ng MILF at AFP: paraan upang madaling ipasikmura sa mamamayan ang Federalism at Charter Change.
Kitang-kita at amoy ma amoy ang motibong palawigin ni Arroyo ang kanyang termino (term extension) sa pamamagitan ng Cha-Cha – maaaring sa pamamagitan ng aktwal na pagpapalawig ng term limit o sa pag-assume sa pusisyon ng Punong Ministro sa sistemang parlyamentaryo.
Gayon na lamang ang desperasyon ni Arroyo na manatili sa kapangyarihan dahil pagbaba niya sa pwesto sa 2010, mawawalan siya ng immunity. Kapag nangyari ito, tiyak na siya ay kaliwa’t kanang sasampahan ng mga kaso at hindi malayong mahatulan at makulong sa dinami-dami ng kanyang mga kasalanan sa mamamayan.
Maging ang federalism ay isang taktika upang kabigin at ligawan ang mga alyado ni Arroyo sa gobyerno. Hangad nitong konsolidahin ang kapangyarihan kina Arroyo at sa kanyang mga alipores sa Kongreso. Sa federalism, ang mga maka-Arroyong kongresista ay maaring mag-astang mga ‘little presidents’ sa kanya-kanyang mga probinsya na magiging federal states.
Samantala, kung hindi man Cha-Cha, maaari pa ring maniobrahin ni Arroyo ang kaguluhan sa Mindanao upang mag-invoke ng emergency powers at magdeklara ng martial rule – para pa rin magsilbi sa kanyang interes na manatili sa pwesto.
Bakit tutol ang mamamayan sa charter change ni Gloria?
Kung pagbabatayan ang nauna nang mga panukalang pagrebisa sa Konstitusyon noong 2006, malinaw na higit na kapangyarihan ang hatid ng cha-cha ni Arroyo,
(1) Sa cha-cha, layon ni Arroyo na lumikha ng isang parlyamentong ala-Marcos, na higit na magkokonsentra ng kapangyarihan sa kanya at sa kanyang mga tuta. Ibabaon nito ang di-resolbadong usapin, isyu at anomalyang kinasasangkutan ni Arroyo at palalawigin ang kanyang pananatili sa pwesto.
(2) Higit na aatekihin sa Cha-Cha ang mga kalayaang sibil at mga demokratikong karapatan ng mamamayan. Ang terorismo ng estado na ipinapatupad na sa kasalukuyan ay higit pang lalala sa pagsasatitik sa Konstitusyon ng mga probisyong sa karapatan magpahayag, mag-organisa, magprotesta at lumaban para sa mga batayang karapatan.
(3) Higit na pangangayupapa sa dayuhan ang kahulugan ng Cha-Cha. Ibubukas sa higit na pandarambong at pagsasamantala ng imperyalismo ang ating bansa na magdudulot ng higit na pambubusabos at kahirapan. Papahintulutan ang 100 porsyentong pag-aari ng dayuhan sa lupain, likas na yaman at negosyo, at lulubusin ang pribitisasyon at deregulasyon ng gma sebisyo publiko kabilang ang edukasyon.
(4) Pagbubugaw sa soberenya at kasarinlan ng bayan ang susuhayan ng cha-cha. Ibubukas lalo ng cha-cha ang bansa sa tropang dayuhan, tatanggalin ang pagbabawal sa pagpasok ng armas nukleyar at ibabalik ang base militar.
Kabaliktaran ng propaganda ng Malakanayang, hindi kapayapaan at bagong pag-asa ang idudulot ng Cha-Cha kundi higit na kahirapan, krisis at pambubusabos na mamamayan. Isa itong komprehensibong atake sa demokratikong karapatan at interes ng taumbayan.
Ayon pa sa NUPL (National Union of People’s Lawyers), kahit na sabihin pa ng Malakanyang na ilang ‘surgical amendments’ lamang ang gagawin sa Konstitusyon, kapag naipasa at natipon na ang isang constitutional assembly ay wala nang magiging hadlang para tuluyan nang repasuhin ang Konstitusyon. Wala nang tiwala ang mamamayan kay Arroyo at hindi ito naniniwalang tanging ang resolusyon sa gulo sa Mindanao ang interes niya sa pakanang Cha-Cha.
Nakatakdang pagbotohan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pagbuo sa con-ass sa Agosto 25.
“Why does a dog wag its tail? Because the dog is smarter than the tail. If the tail was smarter, it would wag the dog.”
People’s Struggles Committee
UNIVERSITY STUDENT COUNCIL
Tags: charter change, Gloria Arroyo, Mindanao, war

No comments yet.