Ipaglaban ang Office of the Student Regent!
[Katipunan ng Mga Sangguniang Mag-aaral sa UP (KASAMA sa UP) statement]
Pinakamainit na pagbati, mga Iskolar ng Bayan! Nagbukas na naman ang bagong semestre at kasabay nito ang panibago na namang hamon sa ating mga Iskolar ng Bayan na harapin ang iba’t-ibang usaping kinakaharap hindi lamang ng Unibersidad ng Pilipinas kung hindi pati na rin ng buong sambayanang Pilipino. Sa harap ng kabi-kabilang isyung kinakaharap natin kagaya ng papatinding pang-ekonomiyang krisis, ang walang habas na pagtaas na presyo ng mga bilihin at matinding kahirapang hinaharap ng mamamayan, ang kabiguan ng kasalukuyang rehimeng Arroyo na tugunan ang tungkulin nito sa mamamayang Pilipino at ang pasismong hinaharap nito sa mga mamamayang lumalaban para sa ating mga demokratikong mga karapatan; ngayon, higit kailanman ang panahon upang sama-samang kumilos, mangahas at manindigan!
Ang taong ito ang nagmamarka ng pangalawang taon ng pagpapatupad ng pagtataas ng matrikula sa Unibersidad ng Pilipinas: mula sa Php 300 per unit ay naging Php 1000 per unit sa autonomous units at mula sa Php 200 per unit ay naging Php 600 naman para sa mga regional units sa kabila ng matinding pagtutol ng mga estudyante; kasama pa dito ang nakaambang taunang pagtataas ng matrikula ayon sa inflation rate. Habang napakataas ng binabayaran ng mga Iskolar ng Bayan, nanatili namang lugmok ang kalagayan ng iba’t-ibang kolehiyo sa iba’t-ibang yunit ng Unibersidad ng Pilipinas; nariyan ang pakikigamit ng mga kapwa nating mga Iskolar ng Bayan sa UP Visayas Cebu College ng mga libro sa aklatan ng ibang unibersidad sa Visayas, ang pagpapalipat ng mga estudyante sa kursong Chemical Engineering sa UP Visayas School of Technology sa UP Diliman at UP Los Banos dahil sa kakulangan ng mga pasilidad at instruktor at ang laganap na kakulangan sa mga pasilidad sa buong UP system: ito ang tunay na kalagayan ng Unibersidad ng Pilipinas.
Tags: Board of Regents, KASAMA sa UP, statement, Student Regent



